Naaresto noong Miyerkoles sa Batangas City ang dalawang lalaki, kabilang ang isang stroke survivor, dahil sa umano ay pagtutulak ng ilegal na droga, ayon sa pulisya.
Sakay ng isang van ang mga suspek nang makipagtransaksiyon sila noong madaling araw ng Miyerkoles sa mga pulis na nagpanggap na buyer ng ilegal na droga.
Inaresto ng pulisya ang driver ng van at ang isa pang lalaki na nagka-stroke.
Ayon kay Superintendent Sancho Celedio, hepe ng Batangas City police, hindi nagkaroon ng pagkakataon ang isa sa mga suspek na magkatrabaho matapos ma-stroke kaya nagtulak na lang ito ng droga.
"Hindi siya nagkaroon ng opportunity to have full employment kasi siya ay stroke victim. Isang rason kung bakit siya nauwi sa illegal drugs," ani Celedio.
Mayroon ding hydrocephalus ang anak ng suspek na na-stroke, ani Celedio.
Nakumpiska sa mga suspek ang limang sachet ng hinihinalang shabu.
Nakulong na noong 2004 ang isa sa mga suspek dahil sa pagtutulak ng droga sa Bacoor, Cavite.
Nahaharap ang dalawa sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
-- Ulat ni Kevin Dinglasan, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, war on drugs, buy-bust operation, rehiyon, Batangas City, Batangas, stroke, stroke victim