Lalaki sugatan nang mabagsakan ng tinitibag na waiting shed sa Bacolod

Marty Go, ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2019 07:23 PM

Hindi umano agad nakatakbo si Christopher Tajanlangit matapos na gumuho ang tinitibag na sementadong waiting shed sa Bacolod City. Larawan mula sa City Disaster Risk Reduction and Management Office

BACOLOD CITY – Isang miyembro ng demolition team ang nadisgrasya matapos mabagsakan ng gumuhong sementadong bubong ng kanilang ginigibang waiting shed sa Locsin Street dito sa siyudad, Huwebes ng umaga.

Ayon sa ilang mga nakakita, biglang gumuho ang waiting shed at naipit ang kanang paa ni Christopher Tajanlangit dahil hindi ito kaagad nakatakbo.

Kinailangan pang pagtulungang buhatin ng mga residente ang mabigat na bubong para maalis sa pagkakaipit ang paa ni Tajanlangit.

Agad siyang dinala sa ospital at kailangang operahan ang nabali niyang paa, ayon sa mga rescuer.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.