Iranian na umatake sa pulis sa Puerto Galera posible pa ring ma-deport

ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2019 04:27 PM | Updated as of Feb 21 2019 11:48 PM

Maaari pa ring mapa-deport o mailagay sa blacklist ng Bureau of Immigration (BI) ang babaeng Iranian na nanakit at nambastos sa isang pulis sa Puerto Galera noong Linggo. 

Ito ay kahit pa nagpasya ang biktimang si PO2 Ferr Henrick Mangarin na huwag nang kasuhan si Fereshteh Najafi Marbouyeh, 31, dahil inunawa umano nito ang "mental health condition" ng suspek.

Matatandaang dinala sa himpilan si Marbouyeh matapos umanong malasing, magwala, at maghubad sa pampublikong lugar. Doon niya daw sinuntok at pinaso ng sigarilyo si Mangarin.

Pero nitong Huwebes, sinabi ni BI spokesperson Dana Sandoval na naisumite na sa kanilang legal division ang impormasyon ukol sa ginawa ni Marbouyeh, at ito ang magdedesisyon kung sasampahan ng immigration case ang dayuhan. 

Ayon kay Sandoval, ang legal division nila ang magsasabi kung made-deport o maba-blacklist si Marbouyeh.

Sa huling ulat, hiniling na ng pamilya ng Iranian na maiuwi na siya sa kanilang bansa. 

—Ulat ni Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.