Bulto ng cocaine, natagpuan sa dalampasigan sa Quezon

Kevin Dinglasan, ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2019 11:41 PM

Halos isang kilo ng hinihinalang cocaine ang natagpuan sa dalampasigan ng Mauban, Quezon nitong Huwebes. Kuha ng Mauban Police

Natagpuan sa dalampasigan ng Mauban, Quezon ang isang bulto ng hinihinalang cocaine nitong Huwebes.

Ito na ang ikatlong bulto ng cocaine na natagpuan ngayong linggo sa dalampasigan ng probinsiya.

Ayon sa Quezon Police Provincial Office, natagpuan ito ng isang binatilyo bandang alas-12 ng tanghali sa Sitio Sampitan, Barangay Cagsiay Dos.

Sinuri muna umano ito ng binatilyo at nang mapakiramdamang tila nakakalason at delikado, nagdesisyong itago muna ito.

Agad naman itong inireport ng nakakatandang kapatid ng binatilyo sa pulisya para masuri.

Ayon sa pulisya, aabot sa halos isang kilo ang bulto na sasailalim pa sa pagsusuri ng police crime laboratory.

Noong nakaraang linggo, nasa P491 milyong halaga ng cocaine ang natagpuan sa iba't ibang dalampasigan sa silangang bahagi ng bansa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.