3 binatilyo huli sa pagnanakaw umano ng bisikleta

ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2019 10:49 AM

Arestado ang tatlong menor de edad na itinuro umanong nagnakaw ng 3 mountain bike sa Las Piñas City noong Martes ng gabi.

Ayon kay PNP Las Piñas chief Senior Superintendent Simnar Gran, kumakain ang 3 nanakawan sa kainan sa gasolinahan nang mapansing nawawala na ang kanilang 3 bike.

Base raw sa kuha ng CCTV, makikitang dumating ang 3 menor de edad na lalaki sa parking lot ng isang gasolinahan.

Makalipas ang isang minuto, isa-isang dumaan ang mga ito na may tig-iisang bisikleta, na ninakaw umano mula sa hilera ng mga nakaparadang bisikleta ng nasabing gasolinahan.

Kaagad nagsumbong ang mga may-ari ng mga bsikleta sa mga rumorondang pulis.

"Tinawag ang pansin ng pulis. Sinabi na ninakaw ang mga bike. Rinadyo. Nahuli sa highway dahil sa bilis ng aksyon ng kapulisan na andun sa area," ani Gran.

Inaalam ngayon kung may naunang rekord ang mga ito lalo't nakikita nilang sanay na umano ang mga nahuli sa ganitong gawain.

"Itong batang ito, may dalang bolt cutter. Ibig sabihin may balak magnakaw. Kasi nilock ng mga bikers ang mga bike," ani Gran.

Dinala ang tatlong menor-de-edad sa Bahay Pag-Asa Reformative House.

-- Ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.