Walkout sa klase ng mga magpoprotestang estudyante, kasado na

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2018 02:44 PM

MAYNILA - Kasado na ang protesta ng mga estudyante sa Biyernes, Pebrero 23, bilang pakikiisa nila sa paggunita sa 1987 EDSA People Power Revolution. 

Ayon kay Almira Abril, tagapagsalita ng grupong STAND UP, daan-daang kabataan ang magwa-walkout sa klase para sumama sa martsa mula UP, pa-Espanya, hanggang Mendiola.

Kakalampagin aniya nila sa protesta ang administrasyong Duterte dahil sa hindi pagbibigay ng kalidad at libreng edukasyon sa kabataan. 

Isasama rin nila ang pagtutol sa mataas na bilihin dulot ng tax reform law, ang protesta sa bulok na MRT, ang anila'y jeepney phaseout, at mababang sahod sa mga manggagawa

Sabi ni Abril, sasamahan din ng mga estudyante ang iba't ibang grupo na magpoprotesta sa Biyernes. 

Samantala, magra-rally rin sa tapat ng Comission on Higher Education (CHED) ang Kabataan Party-list para ipanawagan ang paglalabas ng implementing rules and regulation sa Free Tertiary Education Law o libreng tuition para sa kolehiyo.

Ito ay dahil nangangamba ang mga estudyante na hindi nila makuha ang ilang benepisyong minamandato ng batas tulad ng libreng tuition, miscellaneous fees at cost loving allowances, gayundin ang access sa student loan program.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.