Sekyu, patay matapos sumalpok ang motorsiklo sa poste

Kim Lorenzo, ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2018 03:43 PM | Updated as of Oct 01 2018 10:42 PM

Patay ang isang 25-taong gulang na security guard matapos maaksidente sa sinakyang motorsiklo sa Barangay Juan, Solsona, Ilocos Norte Miyerkoles ng umaga.

Nagtamo ng sugat sa ulo at iba’t-ibang bahagi ng katawan ang biktimang si R-Jhay Sanchez na ikinamatay nito.

Base sa imbestigasyon, pauwi na galing sa trabaho ang biktima nang sumalpok sa kilometer post sa gilid ng kalsada ang kaniyang motorsiklo.

Sa lakas ng impact, sira ang harapan ng motorsiklo, maging ang helmet ng biktima.

Ayon sa pamilya ni Sanchez, hindi ito umiinom ng alak at maaaring nakaranas ng alta presyon ang biktima kaya nawalan ng kontrol sa kanyang sasakyan.

“May iniinom siyang gamot dahil nitong nakaraan lang ay binigyan siya ng doktor dahil mataas ang BP niya,” paliwanag ni Erlene Sanchez, kamag-anak ng biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.