SAPUL SA CCTV: Tindahan nilooban sa QC

ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2018 09:14 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tatlo ang arestado matapos manloob ng isang tindahan sa Novaliches, Quezon City.

Nahuli ng pulisya ang mga suspek na sina Dandan Reyes, Jaylord Ocier, at isang menor de edad matapos matukoy ng mga biktima sa tulong ng CCTV.

"Iyong pagkakuha kasi sa CCTV klarong-klaro na sila talaga kasi kilalang-kilala ko sila," ayon sa biktimang si Babelyn Lapitan.

Sabado nang looban ng tatlo, kasama ang isa pang nakatakas na suspek, ang isang tindahan sa isang subdivision sa may Sauyo Road, Novaliches.

Pinihit pa ng mga suspek ang CCTV para hindi sila makuhanan ng video pero namukhaan pa rin sila ng mga biktima dahil regular na kostumer at kapitbahay lang sila ng tindahan.

Nakuha sa mga suspek ang mga ninakaw na paninda na umabot umano sa halagang P20,000.

Sinampahan na ng kaso sa piskalya sina Reyes at Ocier.

Nakuhanan naman ng CCTV kamakailan sa Narra Street, Project 3, Quezon City ang isang lalaking modus ang magbaklas ng mga side mirror ng mga sasakyan.

Nanawagan naman ang mga opisyal ng Barangay Duyan-duyan sa Project 3 na ipagbigay-alam sa pulisya ang anumang impormasyon sa salaring nantatangay ng side mirror.

-- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.