SAPUL sa CCTV: Pagsalpok ng motorsiklo sa taxi

Melinda Ramo, ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2018 06:18 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

VIDEO COURTESY: Baguio City Traffic Enforcement Unit

BAGUIO CITY – Sapul sa CCTV ang banggaan ng isang motorsiklo at taxi, Martes ng tanghali sa Barangay West Modern Site.

Sa footage ng CCTV ng barangay, kitang galing sa Sergeant Floresca Street ang taxi papunta sa Torres Bugallon. Pagdating sa intersection, sumalpok dito ang isang motorsiklo na pababa sa Rimando Road. 

Nakatayo pa agad ang rider ng motor na si Romero Angelo, 24-anyos, pero iika-ika na ito maglakad.

Parehong nagkaroon ng danyos ang mga sasakyan pero nagtamo ng minor injuries si Angelo. Itinakbo siya sa Baguio General Hospital para makatanggap ng lunas sa mga sugat at agad naman siyang nakalabas.

Ayon kay Angelo, bibili lang dapat siya ng ulam nang mangyari ang aksidente. Sinubukan niyang bumusina para i-alerto ang mga parating na sasakyan sa intersection pero hindi umano siya narinig ng taxi driver.

Hindi niya inaasahan ang nangyari pero pasalamat siyang hindi siya masyadong napuruhan. Sa ngayon, titigil muna siya sa pagpapasada ng jeep at magpapagaling muna siya ng tatlong araw.

Payo ng imbestigador ng traffic enforcement unit, maging maingat kapag dadaan sa intersection.

“Tingnan natin most especially kapag andoon tayo sa secondary road, tingnan natin bago tayo pumasok sa primary road, huwag tayo masyado magpatakbo nang mabilis,” ayon kay SPO1 Patrick Aniban. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.