Rebulto ng Birheng Maria, tinaga at binasag sa Ilocos Norte

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2018 11:58 PM | Updated as of Oct 03 2018 12:21 PM

Larawan mula kay Robert dela Cruz. 

Binasag ng mga hindi pa kilalang tao ang isang rebulto ng Birheng Maria sa isang grotto sa Solsona, Ilocos Norte nitong Sabado.

May taga rin sa mukha ang rebulto.

Ipinalagay ito ni konsehal Bobby Sacro noong 2014 matapos niyang makita ang imahen sa may bahagi ng Solsona-Apayao Road sa isang panaginip.

Walang respeto kung ituring at ilarawan ni Sacro ang sinumang gumawa nito sa rebulto.

"Bilang Katoliko, dismayado ako. Nanghihina akong nakikita ko ito. Ako na mismo ang humihingi ng tawad sa Diyos sa nangyari kay Mama Mary," aniya.

Dagdag niya, malayong may koneksiyon ito sa personal o politikal na buhay niya lalo na’t wala naman daw itong kagalit. 

Larawan mula kay Robert dela Cruz. 

Dismayado naman ang Simbahang Katolika sa insidente.

Ayon kay Monsignor Joey Ranjo, tagapagsalita ng Diocese of Laoag, isang kasalanan ang hindi pagbibigay respeto sa anumang bagay na nabendisyunan o banal.

"Ang paniniwala ng mga Katoliko na kahit kahoy, semento, anumang klase, puwede pa ring gamitin ng Diyos na instrument ito na i-relay o ipakita ang pagmamahal niya sa atin," aniya.

Hiling ni Ranjo na respetuhin ang anumang paniniwala ang mayroon ang bawat isa lalo na kung relihiyon ang pinag-uusapan.

"Kung hindi mo alam respetuhin ang mga ganitong bagay, papaano mo rerespetuhin ang ibang tao," dagdag ng monsignor.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya kung sino ang nasa likod ng pagkakasira ng rebulto.

Suspetsa ng mga pulis, pinaglaruan ito ng mga namamasyal sa lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.