Pera, mga alahas, tinangay ng umano'y 'termite gang' sa Biñan

ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2018 09:16 PM

Natangay ng mga hinihinalang miyembro ng "termite gang" mula sa isang pawnshop sa Biñan City ang aabot sa P100,000 cash at P2 milyong halaga ng alahas.

Linggo ng umaga nang madiskubre ng mga tauhan ng pawnshop ang insidente. 

Base sa imbestigasyon, lumusot sa kasalukuyang ginagawang drainage sa kahabaan ng J. Gonzales Street ang mga suspek at naghukay papasok sa pawnshop.

Dagdag pa ng mga pulis, maaring nasa dalawa hanggang tatlong araw na inunti-unting bakbakin ng mga kawatan ang sahig ng pawnshop bago ito tuluyang napasok.

Nadatnan ng mga awtoridad ang butas sa sahig ng teller's booth. May isa pang butas sa dingding kung saan nakatago ang kaha de yero.

Mayroon nang pitong personalidad na natukoy ang awtoridad na responsable sa insidente.

"Base dito sa report natin, meron tayong dalawang eye witness at na-identify itong mga suspects so nag-execute sila ng affidavit kasama 'yung may-ari ng establishment so meron na tayong apat na nakasuhan," paliwanag ni Police Superintendent Chitadel Gaoiran, hepe ng Public Information Office ng Calabarzon Police.

Sinampahan na ng kaso ng may-ari ng pawnshop ang mga natukoy na suspect. Hinihintay na lamang ang pag-release ng warrant of arrest laban sa kanila.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang pamunuan ng pawnshop.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.