P2 milyong di rehistradong pampaputi, nasabat sa online sellers

ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2018 01:37 AM | Updated as of Sep 05 2019 03:22 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Aabot sa P2 milyong halaga ng mga di rehistradong skin whitening injectable ang nasamsam ng Quezon City Police District (QCPD) at Food and Drug Administration (FDA) sa magkahiwalay na raid sa mga barangay ng Paltok at Bahay Toro, Quezon City.

Isinagawa ang raid matapos mai-deliver sa mga operatiba ng QCPD ang biniling glutathione injectables na in-order mula sa online sites.

"Nagkaroon tayo ng test buy operation at 'yung mga products natin, dinala natin sa FDA para ma-examine nila at 'yung mga violations, hindi naka-register, walang license to operate," ani QCPD director Chief Superintendent Guillermo Eleazar.

Ayon sa reklamo ng QCPD, ibinebenta umano ng suspek na si Lilian Marte sa kaniyang online website ang mga gamot pampaputi tulad ng glutathione.

Sa kaniyang Facebook account naman itinitinda umano ng suspek na si Michelle Cablayan ang skin whitening products na target ng FDA.

Nagbabala sa publiko ang mga awtoridad sa pagbili online ng mga cosmetic at gamot na hindi dumaan sa FDA.

Oras na pumalpak at magka-side effect ang produkto, wala raw mahahabol ang biktima.

"Wala silang iniisyu na resibo, hindi mati-trace sa kanila. Online pero hindi naman nila kilala ang mga supplier, dinadala lang sa kanila. Pinagdadalhan nila ngayon, puwedeng clinic, doktor, puwedeng ibang website o online na ni-refer sa kanila," ani Eleazar.

"Malaking side effect lalo yung mga ini-intake, posibleng di ka na nga pumuti, magka-allergy ka pa," ani Randy Quiom, special investigator ng FDA Regulatory Enforcement Unit.

Naaresto sa magkahiwalay na operasyon sina Lilian Marte, Daniel Castillo, Viel Anjoe Somidos, Mylene De Vera, Rommel De Vera, Mark Adrian Roces, at Jeffrey Oserio.

Payo ng FDA, ugaliing alamin mula sa kanilang website ang pangalan ng bibilhing produkto para makasigurong ligtas itong gamitin.

"Gawin nating hobby na i-check ang product name. Ita-type lamang po ito sa website, then mave-verify po natin ang kalidad. Bumili po tayo sa kilalang bilihan ng gamot," ani Quiom. 

-- Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.