Napolcom: 'Bato' puwedeng manatili sa puwesto hangga't may batas militar

Jeff Canoy, ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2018 06:30 PM

MAYNILA - Maaaring manatili sa puwesto si Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald "Bato" Dela Rosa hangga't may national emergency o batas militar sa Mindanao, ayon sa National Police Commission (Napolcom).

Nauna nang inanunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na palalawigin pa ang pananatili sa puwesto ni Dela Rosa, na nakatakda na sanang magretiro noong Jan. 21. 

Ito na ang ikalawang pagpapalawig sa termino ni Dela Rosa bilang hepe ng pambansang pulisya. Una na siyang inatasan ng Pangulo na manatili pa hanggang Abril. 

"It's not restricted to a 1-year period. It can be co-terminus with the national emergency na nag-authorize sa presidente na i-extend yung [kaniyang] term," ani Rogelio Casurao, vice chairman at executive officer ng Napolcom.

"He is further protected, which says that even a chief PNP [where the] age of retirement is 56, the president under the law can extend... In this case, ang martial law has (been) validated by the Congress already."

Nanatili pa rin ang batas militar sa Mindanao matapos itong palawigin ng Kongreso hanggang Disyembre kahit natapos na ang bakbakan sa Marawi City Oktubre noong nakaraang taon. Una itong idineklara ni Duterte noong Mayo 23, 2017 nang sumiklab ang labanan sa gitna ng mga tropa ng gobyerno at mga terorista sa siyudad. 

Kumpiyansa rin ang Napolcom na hindi makaaapekto sa organisasyon, lalo na sa mga senior officers na kandidato sana sa pagiging sunod na PNP chief, ang pananatili ni Dela Rosa sa puwesto.

"No, I believe these are honorable men, they understand the situation and because of their fraternal relations which each other, kung magkaroon man ng griping, kaunting murmuring, kantiyawan na lang pero hindi na tayo aabot sa structural problem na 'yan," ani Casurao.

May tiwala rin si Dela Rosa na ang kaniyang mga kasamahan ay magiging propesyonal sa harap ng pagpapalawig sa kaniyang termino.

"Alam ko very professional naman itong mga supposed to be na papalit sa akin, they can take and take dahil alam naman that becoming the chief PNP is destiny. Kahit mag-ambisyon ka, sirain mo na lahat ng mga katunggali mo sa posisyon na 'yan o kaya kahit na sirain mo 'yung nakapuwesto na sa taas to pull him down para ikaw ang aangat, it can never be," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.