Motoristang nakainom pumalag sa mga tanod, arestado

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2018 02:51 PM | Updated as of Sep 19 2019 12:54 PM

Dinala sa barangay hall ang drayber na pumalag sa mga tanod na humuli sa kanya. Anjo Bagaoisan

MAYNILA - Arestado ang isang motoristang pumalag sa mga tanod na sumita sa mabilis niyang pagpapatakbo ng sasakyan sa Barangay Kasilawan, Makati City kagabi. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Kuwento ni Ramil Rivera, tanod, rumuronda sila sakay ng tricycle bandang alas-10:30 ng gabi nang makita ang kotse ng 38-anyos na si Peter Simon Berbenzana.

Sinita nina Rivera ang motorista pero nagtuloy-tuloy pa ito ng takbo. Kaya naman hinabol nila ito hanggang sa umabot na sila sa nakasarang gate sa lugar. 

Bumaba si Berbenzana at sinabihan ang mga tanod na buksan ang gate hanggang sa nagkatulakan na sila. Dahil dito, napilitan ang mga tanod na dalhin siya sa barangay hall.

Sa barangay hall, nalaman ng mga awtoridad na muntik na rin palang mabangga ni Berbenzana ang isang matandang residente sa lugar bago siya maispatan ng mga tanod.

Tumanggi nang magbigay ng pahayag ang drayber na humingi na lang ng dispensa sa mga tanod. Pero aminado siyang nakainom bago bumiyahe pauwi nang mga oras na iyon.

Itinuloy naman ng mga tanod ang pagsampa ng kaso laban sa kanya. Posible siyang kumaharap sa kasong disobedience at resisting arrest sa ilalim ng Revised Penal Code.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.