Mga magsasaka sa Benguet, nalulugi na dahil sa taas-presyo ng pataba, insecticides

Marianne Reyes, ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2018 09:06 PM | Updated as of Oct 03 2018 05:07 PM

Dumaraing ang ilang mga magsasaka sa Tuba, Benguet dahil sa pagtaas ng presyo ng mga ginagamit nila sa pagtatanim gaya ng insecticides at abono.

Ang chicken dung na dating nasa P90 hanggang P95 kada sako, ngayon ay nasa P110 kada sako na. Nadagdagan din ng P500 hanggang P600 ang presyo ng fertilizer kada sako.

Ang insecticide naman, mula P800 kada litro ay naging P900 hanggang P1,000 kada litro na.

Dahil gumagamit rin ng gasolina para sa water pump ang mga magsasaka, tumaas din ang presyo ng tubig na kanilang pandilig. Mula P25 kada drum ng tubig, naging P30 kada drum na ito.

Ayon sa magsasakang si Melandro Lagto, nangalahati ang kita niya sa kaniyang mga panananim dahil sa pagtaas ng mga presyo.

Hindi naman umano nila magawang taasan ang presyo ng kanilang mga pananim dahil ang mga buyer ang nagdidikta nito.

"Kung mababa, mababa, kung mataas, swerte namin kung mataas. 'Pag nagtanim ka ngayon ng first crop, mababa, mag-second crop ka ulit. Tapos 'pag naka-ano ka ng mataas na presyo, 'yun na puhunan mo sa first crop na naman. Talagang lose or win," paliwanag niya.

Ayon naman sa mga nagbebenta ng farm supply, kailangan talaga nilang magtaas ng presyo ng paninda dahil sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo bunsod ng tax reform law. 

Idine-deliver lang kasi ang mga produkto sa kanila galing sa ibang probinsiya.

"Siyempre kami din nangungupahan kaya naapektuhan din kami ng pagtaas ng gasolina kaya kailangan namin mag-adjust," ani Shane Tadao, tindera ng farm supply.

Hindi pa nagtataas ng presyo sa bagsakan ng gulay sa La Trinidad, Benguet, pero ang ilan sa mga buyer na nagbabiyahe ng gulay papunta sa ibang lugar, mas malaki na ang ipinapatong na presyo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.