Mekaniko patay sa pamamaril sa Surigao del Sur

May Diez, ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2018 10:30 PM

Patay sa pamamaril ang isang lalaki sa Barangay Diatagon sa bayan ng Lianga, Surigao del Sur Lunes ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Hanzel Villarin, 45, at isang mekaniko.

Ayon sa imbestigasyon ng Lianga Police, posible umanong sinundan ng gunman ang biktima habang pauwi na sa kanilang bahay mula sa talyer.

Ilang metro na lang mula sa kanilang bahay nang malapitang barilin si Villarin sa batok, na agad niyang ikinamatay.

Hindi pa matiyak ng mga pulis kung ano ang motibo sa pamamaril, pero tinitingnan na ang anggulo na may personal na galit sa biktima ang namaril.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Caraga Regional Public Information Officer na si Senior Inspector Venus Cale, hindi pa rin nakikilala kung sino ang dapat managot lalo na nga’t madilim at walang nakakita sa pangyayari.

Narekober sa crime scene ang isang bala ng kalibre-.45 baril.

Nangako ang Lianga Police na patuloy nilang iimbestigahan ang insidente para sa kalutasan nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.