Maruming creek na pinaghuhugasan ng carrots, binabantayan na

Melinda Ramo, ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2018 07:23 PM | Updated as of Oct 02 2018 12:12 PM

Binabantayan na ng awtoridad ang creek sa Barangay Pico sa La Trinidad, Benguet na pinaghuhugasan ng mga tindero ng carrots. Melinda Ramo, ABS-CBN News

BENGUET – Tuluyan nang ipinatigil ng awtoridad ang mga naghuhugas ng carrots sa maruming creek sa Barangay Pico sa bayan ng La Trinidad. 

“Kaya sa ngayon po ay binabantayan namin at pinagbabawalan ang paghuhugas ng carrots sa creek,” ayon kay Chief Insp. Benson Macli-ing, hepe ng La Trinidad Municipal Police Station. 

Magiging regular ang pagbisita ng awtoridad dito para hindi na maulit ang insidente.

Ayon sa mga residente, wala na raw dumating na tindero para maghugas ng carrots ngayong Martes. Binakuran na rin kasi ang natatanging daan pababa sa creek.

Samantala, bahagyang luminis ang inirereklamong creek na ayon sa barangay tanod na si Rosalinda Cos ay dalawang beses sa isang buwan kung kanilang linisin. May volunteer groups na ring tumutulong para linisin ito.

Dagdag ni Cos, karamihan daw sa mga basura ay galing sa mga boarding house sa paligid. 

Nagbahay-bahay rin ang mga tanod para paalalahanan ang mga tao sa paligid na huwag na magtatapon ng basura sa creek.

Aniya, kahit anong aksiyon ang gawin ng barangay, kung wala namang disiplina ang mga residente ay patuloy na magiging marumi ang creek.

“Wag naman po ganiyan. Igalang po natin ang ilog. Kailangan malinis ang ilog natin,” ani Cos.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.