Lalaking natagpuang patay sa GenSan, halos 1 buwang hinanap ng pamilya

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2018 09:20 PM

Matapos ang halos isang buwan, nakuha na rin ng pamilya ang bangkay ng lalaking natagpuan noong Enero 29 sa Diversion Road sa Barangay Mabuhay General Santos City.

Halos isang buwan ding nasa punerarya ang bangkay na nakilala nang si Emmanuel Carlos, residente ng Barangay Concepcion sa Koronadal City.

Ayon kay Gerardo Carlos, ama ng biktima, huli nilang nakasama ang anak noong Enero 28. Nagpaalam pa siyang magtatrabaho na. Araw-araw siyang bumibisita sa kanila, pero dahil akala nila ay naging abala lamang siay sa trabaho ay hindi naman nila agad hinanap.

Hindi rin naghanap ang misis ng biktima sa pag-aakalang nasa bahay siya ng mga magulang.

Nalaman lamang ng pamilya na matagal nang nawawala si Emmanuel noong Pebrero 8 nang mamatay ang tiyuhin nito.

Noong Pebrero 10 na nagsimulang maghanap ang pamilya. Nagpakalat sila ng mga retrato ng biktima sa lalawigan ng Maguindanao, Sultan Kudarat at mga bayan sa South Cotabato.

Nitong Lunes, tiningnan nila ang isang bangkay sa isang funeral homes sa General Santos City na halos 3 linggo nang hindi kinukuha ng pamilya nito. Laking gulat nila na ito na pala si Emmanuel. 

Hanggang ngayon ay blangko pa ang Police Station 4 ng General Santos City, ang may hawak sa imbestigasyon, kung sino ang nasa likod ng pagpatay sa biktima. Wala ring ideya ang pamilya sa posibleng motibo sa krimen.

Si Emmanuel ang pangalawang biktima ng pamamaril sa kanilang pamilya. 

Noong nakaraang Oktubre 18, pinatay ng mga nakamotorsiklong salarin ang kapatid niyang si Enrico. Tinitingnan ng pamilya na may kinalaman sa ilegal na droga ang pagkamatay ni Enrico.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.