Lalaking nanghuhuli ng alimango sa ilog, nilapa ng buwaya

Rex Ruta, ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2018 03:23 PM

Halos nangalahati na ang katawan ni Rebente Ladja matapos atakihin ng buwaya sa ilog sa bayan ng Balabac sa Palawan. Photo courtesy of the Balabac Municipal Police Station

Halos nangalahati na ang katawan ng isang lalaki matapos atakihin ng buwaya habang nanghuhuli siya ng alimango sa ilog sa Palawan.

Ayon sa Barangay Catagupan, alas-6 Lunes ng umaga nang umalis si Rebente Ladja, 37-anyos, para manghuli ng alimango o tinatawag na “Bubo” sa ilog sa Sitio Tokanigalo sa bayan ng Balabac.

Hinanap na ng kanyang kaanak at ilang tauhan ng barangay si Ladja nang mabigong umuwi ito noong kinahapunan.

Nakita pa ng isang opisyal ng barangay ang buwaya habang nasa tabi ang kalahating parte na lang ng katawan ni Ladja.

Nitong Martes lang din nai-report sa pulisya ang insidente pero agad naman nilang pinuntahan ang lugar.

Nailibing na ang labi ni Ladja.

Si Ladja ang tiyuhin ng 12-anyos na si Esnida Ladja, na inatake rin umano ng buwaya noong Nobyembre 3, 2017. Hanggang ngayon, hindi pa rin nakikita ang katawan ng bata.

Naaalarma na umano ang kapitan ng barangay sa sunod-sunod na kaso ng pag-atake ng buwaya sa mga residente.

Hiling nila na sana mabigyan na ng alternatibong kabuhayan ng gobyerno ang kanilang mga residente para makaiwas na sila sa pagpunta sa ilog.

Kung maaari rin anila'y sana pag-aralang hulihin na ang mga mapaminsalang buwaya.

Ayon naman sa Palawan Council for Sustainable Development (PCSD), hindi talaga maaaring pagsamahin ang buwaya at tao sa lugar.

Nobyembre 24, 2017 lang kasi nang magsagawa ng information education campaign ang Palawan Wildlife Rescue and Conservation Center at PCSD sa lugar para maiwasan ang engkuwentro ng tao at buwaya.

Dagdag pa ng PCSD, tila mapipilitan silang alisin na lang ang ilang pamilyang nakatira malapit sa ilog.

Tutulong din naman sa livelihood nila ang provincial government.

Maaaring ideklara na lang din ang lugar na crocodile sanctuary at magkakaroon din ng social at physical fencing sa lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.