Lalaking lasing, arestado sa pagnanakaw ng P7 chocolate drink

ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2018 08:02 AM | Updated as of Sep 10 2019 03:57 PM

Watch more in iWantTFC

Inaresto ang isang lalaki matapos umanong ibulsa ang isang sachet ng chocolate drink sa isang convenience store sa Bagong Silang, Caloocan City.

Hinuli ng guwardiya ang suspek paglabas nito ng establisimyento.

Ngunit umeksena pa ang kaibigan ng lalaki at pinagmumura ang mga rumespondeng barangay tanod na nagmalasakit at nagsabing bayaran na lamang ng suspek ang ninakaw.

Dinala ang 2 lalaki sa barangay hall at napag-alamang lasing ang mga ito.

Pumayag ang guwardiya na bayaran na lamang ng suspek ang ninakaw sa halagang P70, sampung beses na mas mahal sa orihinal na presyo.

Nakiusap pa rin ang pamunuan ng barangay na bawasan ito kaya naging limang beses na mas mahal na lang.

Ngunit ayaw pa rin pumayag ng suspek at iginiit na wala siyang ninakaw.

Ayaw din paawat ng kanyang kaibigan sa pakikipagtalo.

Dahil umano sa kawalan ng respeto, ipinasok na lang ang suspek at ang kaibigan nito sa kulungan. Nahaharap sila sa patong-patong na reklamo.

 - ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.