Lalaki, tiklo sa pagbebenta ng shabu sa Benguet

Justin Aguilar, ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2018 11:27 PM

Arestado ang isang lalaki sa isang buy-bust operation sa La Trinidad, Benguet nitong Martes.

Kauumpisa pa lamang umano ng 37 taong gulang na si “Jaycee”, hindi niya tunay na pangalan, na magbenta ng iligal na droga. 

Tubong Catbalogan, Samar si Jaycee at napadpad lamang siya sa La Trinidad dahil sa paghahanap ng trabaho. 

Dito niya raw nakilala ang kaibigang taga-Maynila na hinikayat siyang magbenta ng ilegal na droga.

Sa Maynila rin umano nanggagaling ang kanilang supply. 

"Yung contact ko po galing dito galing ng Maynila po, pasa-pasa,” ani Jaycee.

Martes ng hapon nang makipagkita si Jaycee sa mga miyembro ng La Trinidad Police Station sa isang bakanteng lote sa Barangay Puguis, La Trinidad, Benguet. Ang hindi niya alam, buy-bust na pala ito.

“Parang new personality kasi ito. Nung sinabi po sa amin na may nagbebenta ng [shabu], sinubukan po ng operatives natin na bumili at talagang totoo. Nung susunod ulit, umorder sila ng marami,” ani police Chief Inspector Benson Macli-ing, hepe ng La Trinidad Police.

Pitong sachet ng hinihinalang shabu at perang nagkakahalaga ng P50,000 ang nakumpiska mula sa suspek.

Nahaharap siya ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. 

Kasalukuyang nakakulong si Jaycee sa Benguet Provincial Jail.

Inaalam pa ngayon ng mga pulis kung may mga kasama pa itong dumayo sa La Trinidad para lamang magbenta ng ilegal na droga. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.