Lalaki, nakasama sa selfie ng ninakawan ng bag sa Bacolod

Meneil Lopez, ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2018 12:34 AM

Nakuha sa selfie ng isang pamilya ang lalaking tumangay sa kanilang bag sa loob ng isang food court sa Bacolod city Linggo ng hapon.

Sa CCTV footage ng mall, kitang kita na may lalaking nakaputing t-shirt na nakaupo malapit sa kung saan kumakain ang pamilya.

Nang mag-selfie ang grupo, tumayo ang lalaki, lumapit sa pwesto ng grupo at kinuha ang bag.

Ayon kay Police Chief Inspector Ruel Culanag, hepe ng Police Station 8 sa Bacolod, nakilala na nila ang lalaki.

"Sa aton nga pag-conduct sang investigation no, nagapamangkot man kita sang mga police station nga iban nga may mga kaso sang salisi, nakita ining picture niya nga may identity siya so ang iya ni nga specialty isa salisi gid," aniya.

(Sa imbestigasyon namin, lumalabas na may salisi cases din siya sa ibang police stations. Nakilala rin siya sa retrato niya.)

Umapela naman ang pulisya na huwag munang ipakita sa TV ang mukha ng suspek habang patuloy pa ang kanilang operasiyon.

Naniniwala ang pulisya na may iba pa siyang kasamahan at modus nila ang pagnanakaw, kaya't panawagan nila sa publiko na maging maingat sa mga pampublikong lugar.

" 'Pag bonding-bonding sa family e secure ta man ang aton gamit kay indi man ni tanan ma bantayan ta no. so indi naton pag talak talakan ang gamit naton specially ang bag nga may mga valuable nga unod," ani Culanag.

(Bago mag-bonding ang pamilya, siguraduhin muna natin na safe ang mga gamit natin and huwag nating pabayaan ito lalo na 'pag may lamang mga mamahaling bagay.)

Nakatakdang magpunta sa police station ang pamilya ng biktima para pormal na maghain ng kaso laban sa suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.