Higit P140,000 halaga ng mga cellphone, ninakaw ng 'budol-budol'

ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2018 01:54 AM

Tinangay ng isang lalaki na miyembro umano ng "budol-budol gang" ang higit P140,000 halaga ng mga cellphone sa Cotabato City nitong Martes.

Kuwento ng sales clerk, nagpanggap na kostumer ang suspek na bibili umano ng 8 cellphone na nagkakahalaga ng P17,990 ang isa.

Umalis ang suspek sa establisimyento para kumuha ng pera. 

Pagbalik naman ng lalaki, sinabi nito na kulang na naman ang kanyang perang pambayad.

Nakiusap ang suspek na samahan siya sa pagkuha ng pera ulit.

Sumama naman ang sales clerk dala ang mga cellphone ngunit dumaan pa sila sa isang burger stand.

Kinuha ng suspek ang mga cellphone at iniwan sa burger stand na siya umano ang may-ari.

Ayon sa sales clerk, dinala siya ng suspek sa isang grocery store dahil may bibilhin umano ito.

"Ilang sandali pa, hinawakan niya ang kamay ko at parang may binabasa siya na nakapikit ako. Pagdilat ko, wala na siya," aniya.

Agad pumunta ang sales clerk sa burger stand at nalaman niya na umalis ang suspek dala ang mga cellphone.

Kuwento naman ng tindero ng burger stand, magpapaluto umano sana ang suspek sa kanila ng 65 na burger na nagkakahalaga ng P4,000.

"Hindi namin niluto kasi hindi naman siya nagbayad," aniya.

Nakuhanan naman ng isang CCTV ng grocery store ang suspek at inaalam na ng pulisya ngayon ang kanyang pagkakakilanlan. - ulat ni Arianne Apatan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.