Ban sa Rappler ng Palasyo, umani ng sari-saring reaksiyon

ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2018 10:44 PM

Hindi tulad noong Martes, tahimik at walang naging aberya sa pagpasok ng Rappler reporter na si Pia Ranada sa New Executive Building (NEB) sa Malacañang compound Miyerkoles.

Nagawang pumasok ni Ranada kahit pa sinabi ng Palasyo na bawal na ang mga mamahayag mula sa online news outfit na mag-cover sa Malacañang habang inaapela nila ang closure order ng Securities and Exchange Commission (SEC) sa Court of Appeals.

Nagdesisyon umano si Pangulong Rodrigo Duterte na isara ang pintuan ng Palasyo kay Ranada at sa Rappler matapos ang pagdinig ng Senado kung saan inimbitahan si Special Assistant to the President Christopher "Bong" Go.
    
Nadawit si Go sa isyu ng frigate deal matapos ilabas ng Rappler ang artikulo ukol sa umano'y pakikialam nito sa kontrata.

"Si Pia, kaya masamang-masama ang loob ng Presidente diyan...[kasi] parang anak niya 'yan, parang apo niya 'yan. Pero, kita mo naman ang kinalat na fake news," ani Presidential Spokesperson Harry Roque. 

Ang Malacañang Press Corps (MPC) naman, sinabing mananatiling miyembro nito si Ranada, hangga't hindi pinal ang desisyon ng SEC.

"Diskresyon ng MPC kung sino ang ia-accredit bilang miyembro. Kung mangyari ulit ito, sana ay magkaroon ng prior notice sa MPC stating clear basis," paliwanag ni Raymond Tinanza, presidente ng MPC.

'Wala sa lugar'
    
Samantala, hindi naman umano nagustuhan ng commander ng Presidential Security Group (PSG) ang pagtatanong ni Ranada sa sundalong humarang sa kaniya sa gate ng Malacañang.

"It was rude on their part to do that. You should have called the proper persons to answer your queries. Pasalamat kayo hindi kayo sinaktan sa pambabastos na ginawa niyo," ani Brig. Gen. Lope Dagoy. 

Pero tila hindi nagustuhan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang tono ng naging pahayag ni Dagoy. 

"That remark is uncalled for and really off the mark. Whatever the Rappler's offense, the PSG had no right to harm Rappler's people nor threaten them," ani Lorenzana.

Matapos ang pagsita, nanindigan pa rin si Dagoy na hindi ito hihingi ng tawad sa Rappler sa kaniyang "banta."

Umani rin ng batikos ang desisyon ng Pangulo na i-ban ang Rappler sa Malacañang mula sa ilang taga-oposisyon.
 
"Siguro isang malinaw doon 'yung atmosphere na naman ng mala-martial law noong panahon ni Marcos na 'yung freedom ng mga journalists ay na-curtail," ani Gabriel Rep. Emmy De Jesus.

"Malinaw na ebidensiya na ito na meron tayong Presidente na di kumikilala sa freedom of the press," giit ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio.

Naniniwala rin ang grupong Human Rights Watch na ang pag-ban sa Rappler ay posibleng maging simula ng mas malawakang atake sa mga mamamahayag.

"It could portend a broader assault on journalists and news organizations," anila.

--Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.