Ayuda sa 2016, hinihintay pa rin ng mga magsasaka sa Bacolod

ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2018 05:37 PM | Updated as of Sep 18 2019 12:45 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sinugod ng nasa 200 magsasaka at miyembro ng National Federation of Sugar Workers (NFSW) sa Negros Occidental nitong Martes ng hapon ang tanggapan ng kanilang Social Welfare and Development (SWAD) Office. 

Hinahanap kasi nila si dating SWAD Provincial Coordinator Sharon Tusalem, na ayon sa kanila ay nangako noong 2016 ng relief goods bilang tulong sa mga magsasaka sa "tiempo muerto" o "off-milling season" ng sugar industry. 

Ayon sa NFSW, 100 packs na naglalaman ng 12 kilong bigas, 24 na lata ng sardinas, at anim na packs ng noodles at kape ang ipinangako sa kanila.

Kalaunan ay sinabing gagawin na lang itong 50 sako ng bigas.

Himutok ng mga magsasaka, taong 2018 na pero hindi pa rin dumarating ang ipinangakong bigas.

"Kailan ba 'yan ibibigay sa mga benepisyaryo? Nandiyan 'yan lahat sa listahan ni ma'am Sharon," tanong ni Danilo Tabora, treasurer ng NFSW-Negros. 

Hinarang ang mga nagpoprotesta ng mga security guard ng Provincial Administration Center pero sa labas ng gusali ay hinarap sila ng bagong SWAD provincial coordinator na si Fernando Alabado. 

Ayon kay Alabado, naka-assign na ngayon sa Region 6 si Tusalem. 

Kailangan niya rin muna umanong i-verify ang sinasabing ipinangakong relief assistance sa mga magsasaka.

"Hintayin niyo ang update ko mula sa regional office para malaman natin kung nandiyan pa ang bigas na ipinangako sa inyo ni Ms. Sharon," tugon ni Tabora.

Ayon sa mga magsasaka, nagsisimula ang off-milling season sa buwan ng Abril hanggang Setyembre. 
    
Sa panahong ito, walang trabaho sa mga hacienda kaya kailangan nila ang tulong ng gobyerno.

--Ulat ni Barbara Mijares, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.