Army reservist pinagbabaril ang kapwa tricycle driver sa Laguna

Jerome Lantin, ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2018 08:07 PM

Patay ang isang tricycle driver matapos pagbabarilin ng isang army reservist sa Sta. Cruz, Laguna nitong Miyerkoles ng umaga.

Kinilala ang biktima bilang si Luisito Llarena na pinagbabaril ng suspek na si Reynaldo Urbina, tricycle driver at army reservist.

Base sa paunang imbestigasyon, bukod sa dati nang alitan, muling nagpang-abot ang suspek at biktima matapos mag-away umano dahil sa trabaho. 

Umuwi umano ang biktima at kumuha ng baseball bat at nang balikan nito si Urbina at pormang hahampasin, agad umanong bumunot ng baril ang suspek at tatlong beses na pinaputukan si Llarena.

Nakatakbo pa si Llarena pero hinabol umano ng suspek at muling pinaputukan ng apat na beses na agad ikinamatay ng biktima.

Mabilis na tumakas ang suspek na nahaharap sa kasong murder.

Kasalukuyang tinutugis si Urbina.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.