4 magsasaka patay, 1 sugatan sa pagpapasabog, pamamaril sa N. Oriental

Aiza Marrie Layague, ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2018 05:51 PM

Apat na magsasaka ang nasawi habang isa naman ang sugatan matapos pagbabarilin umano ng mga guwardiya ng isang tubuhan sa Barangay Napacao sa Siaton, Negros Oriental. Photo courtesy of Siaton Police

SIATON, Negros Oriental – Apat na magsasaka ang patay habang isa naman ang sugatan sa pamamaril sa bayan ng Siaton, Negros Oriental, Miyerkoles ng umaga.

Nakilala ang mga nasawi na sina Consolacion Cadavida, 65, Carmelina Amantillo, 58, anak nitong si Jecibel Aballe, 36, at isang Felimon Molero. Sugatan naman si Lito De Jesus na kasalukuyang ginagamot sa ospital.

Ayon sa magsasaka at miyembro ng Task Force Mapalad, nagpunta sa tubuhan sa Barangay Napacao ang mga biktima upang mag-ani ngunit bigla na lang silang hinagisan ng granada at pinaulanan ng bala ng mga armadong lalaking kasapi umano ng grupong "Pulahan.”

Agad namang nahuli ng mga pulis ang mga suspek na kinilalang sina Roswel Andano, Renante Robin, Edelberto Pancho, Jason Ramos at Nielcher Abordo na nagpakilalang guwardiya sa tubuhan. 

Mariing itinanggi ng mga suspek ang paratang sa kanila at hindi umano sila nagpaputok ng baril. Mismong ang grupo umano ng mga biktima ang unang namaril sa kanila matapos nilang sitahin na tigilan ang pangunguha ng mga tubo lalo't pagmamay-ari ito ng kanilang amo.

Ngunit ayon sa hepe ng Siaton Police Station na si Insp. Rafael Serion, kumpirmadong ang lima ang namaril sa mga biktima lalo’t personal silang kinilala ng mga nakaligtas na magsasaka.

Dagdag ni Serion, tatakas na sana ang lima suot ang mga pamalit na damit. Kasama sa narekober ng awtoridad mula sa mga suspek ang de kalibreng armas at mga bala, mga agimat, at librito na naglalaman ng mga orasyong Latin.

Ayon kay Jovencio Japon Jr., kapitan ng Barangay Napacao, hindi ito ang unang beses na may insidente ng pamamaril na naganap sa lugar. 

Simula noong 2016 nang magsampa ng petisyon ang mahigit sa 100 magsasaka laban sa pamilya Vicente, may-ari ng 161 ektaryang lupa sa lugar, sunod-sunod na umano ang kaguluhan sa barangay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.