3 sugatan matapos tumaob ang sinasakyang trak sa Laguna

Jerome Lantin, ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2018 05:30 PM

SANTA CRUZ, Laguna - Tatlo ang sugatan matapos tumaob ang sinasakyang 6-wheeler na trak sa national highway sa bahagi ng Barangay Pagsawitan dito Miyerkoles ng tanghali.

Nagtamo ng mga sugat ang drayber na si Abelardo Lindog at mga pahinante na sina Jayben Dante at isang kinilala bilang Raul.

Ayon sa imbestigasyon, galing Batangas ang trak na may kargang 200 sako ng patuka at patungo sana sa bayan ng Pagsanjan nang biglang kumalas ang differential o bahagi ng gulong nito. Nakalas rin ang apat na gulong sa likod, dahilan para tumaob ang trak sa gitna ng kalsada.

Nagdulot ng pagbigat ng daloy ng trapiko ang aksidente dahil sinakop ng trak ang magkabilang bahagi ng kalsada.

Inaalam pa kung may pagkukulang sa pagpapanatili ng trak o sobra ang bigat ng karga nito kaya ito naaksidente.

Nakikipag-ugnayan na ang mga pulis sa may-ari ng trak na si Clemente Santiago.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.