2 lalaki, nadamay sa away ng magkakapatid, nasaksak

ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2018 04:19 PM | Updated as of Sep 17 2019 04:12 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sugatan ang dalawang lalaki matapos pagsasaksakin ng isa sa magkakapatid na nag-amok sa Sampaloc, Maynila nitong Martes ng madaling araw.

Sa kuha ng CCTV sa lugar, makikitang nagsusuntukan ang magkapatid na inawat pa ng kanilang nakababatang kapatid, pero kalaunan ay napasama na rin sa away.

Dahil sa gumagalaw sila habang nagsusuntukan, napunta sila sa grupo ng mga lalaki kung saan nakasalubong nila si alyas "Mark" na bigla na lang hinampas ng upuan.

Ang kanina'y magkakaalitang magkakapatid, ngayo'y kampi-kampi na sa panggugulpi kay Mark.

Bukod sa upuan, pinagpapalo rin siya ng metal barrier at hinampas ng bote ng alak.

"Sinugod nila ako, biglang tinulak... Tinitingnan ko lang sila, nakatayo lang ako doon, nakikipaglamay, bigla na lang akong tinulak," kuwento ni Mark. 

Nang akala'y tapos na ang gulo, siya namang paglabas ni alyas "Jaime" sa bahay para tulungan si Mark.

Laking gulat na lamang ni Jaime nang pagsasaksakin siya ng isa sa mga magkakapatid. Makikita pa sa video ang pagtumba nito, habang si Mark naman ay nakatakbo papalayo. 

"Akala ko tapos na, pagkita ko, lumusob sila, may dala na silang kutsilyo. Ayun, pinagsasaksak na 'ko," ani Jaime. 

Sa ospital na naaresto ang mga suspek.

Dinala naman sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang 17 anyos nilang kapatid. 

Hindi itinanggi ng dalawang suspek ang panggugulo. Nagawa lamang daw nila ito dahil sila'y nakainom. 

"Nagsisisi rin po. Kung gusto nila ng areglo, areglo na lang po," ayon sa isang suspek. 

Wala namang balak makipag-areglo sina Mark at Jaime lalo't kilala ang magkapatid na pasimuno ng gulo sa kanilang lugar.

Nahaharap ang magkapatid sa kasong frustrated homicide at physical injuries.

--Ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.