14 patay, 1 nawawala dulot ng bagyong ‘Basyang’ sa Caraga

Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2018 09:56 PM

Nawasak ang ilang bahay sa Barangay Tigao sa bayan ng Cortes sa Surigao del Sur dahil sa walang tigil na pag-ulan dala ng bagyong "Basyang," Pebrero 12, 2018. Richmond Hinayon, ABS-CBN News

BUTUAN CITY - Labing-apat ang patay, isa ang nawawala at 15 ang sugatan sa pananalasa ng bagyong Basyang sa rehiyon ng Caraga noong nakaraang linggo, ayon sa ulat ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council.

Nadismaya umano ang RDRRMC dahil ang hangaring zero casualty ay hindi nasunod.

Isa sa mga nakikita ng RDRRMC ay ang katigasan ng ulo ng mga residente na lumikas lalo na sa mga delikadong lugar.

Magpupulong ulit ang lahat ng ahensiya kasama ang local government units para magsagawa ng konsultasyon at assessment lalo na sa mga binabaha at landslide-prones areas.

Maraming imprastraktura ang sinira ng bagyo kasama na rito ang Puyo Bridge sa Jabonga, Agusan del Norte.

Ilang bahay rin ang nasira dahil sa flashfloods at landslides.

Sa tala ng RDRRMC, nasa 223 na bahay ang totally damaged habang 882 naman ang partially damaged.

Karamihan sa mga nasirang bahay ay nasa Surigao del Norte.

Tinatayang nasa mahigit P124 milyon ang nasirang pananim sa Surigao del Sur, Surigao del Norte, Dinagat Islands at Agusan del Norte.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.