1 preso patay, 10 na-ospital dahil umano sa food poisoning sa South Cotabato

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2018 12:59 AM

Patay ang isang preso habang 10 naman ang nasa ospital matapos makaramdan ng pananakit ng tiyan, pagsusuka, pagdudumi at panghihina ng katawan sa South Cotabato.

Kwento ni alyas John, nakakulong sa South Cotabato Rehabilitation and Detention Center, dinalhan siya ng kaniyang misis ng ulam kabilang ang sotanghon at adobong baka na may ampalaya noong Pebrero 14.

Pinagsaluhan pa nila ito sa visiting area sa pananghalian. At nang hindi nila naubos, ibinigay niya ito sa kaniyang mga kaselda sa hapunan.

Pero ilang saglit lang, halos magkasabay silang nakaranas ng sintomas ng food poisoning. Maging ang misis ni John na nagdala ng pagkain, nakaranas din ng sintomas.

Aminado si John na maaga-aga pa niluto ng kaniyang misis ang mga pagkain at ibinyahe pa mula sa bayan ng T'boli patungo sa kulungan.

At noong Pebrero 15, 11 inmate na silang namimilipit sa sakit ng tiyan. Isa sa kanila ang namatay noong Sabado.

Pero ayon kay jail warden Juan Lanzaderas, inaalam pa nila kung ang sanhi ng pagmakatay ay dahil sa pagkain. May ibang sakit daw kasing iniinda ang namatay na preso. 

Hindi rin umano nila kontrolado ang mga pumapasok na pagkain mula sa mga dalaw. Iniinspeksiyon lang nila ito kung may naisingit na mga kontrabando. Kaya hindi nila alam kung sira na ang pagkain o hindi.

Anim na inmate na ang nakalabas sa ospital, habang apat pa ang naiwan sa ospital.

Nag-inspeksiyon na ang Integrated Provincial Health Office ng lalawigan sa kalinisan ng paghahanda ng pagkain ng mga preso, kahit hindi naman nanggaling dito ang kinain ng mga naospital na preso.

Ipapasuri naman ng provincial health office ang tubig na iniinom ng mga inmate para matiyak na ligtas din itong inumin. 

Ilang pagbabago rin sa patakaran ang ipatutupad sa piitan gaya ng pag-regulate sa pagpasok ng mga pagkain sa pasilidad. Ang mga dalang pagkain ng mga dalaw, kailangang maubos na sa loob ng isang araw nang hindi na maulit ang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.