PatrolPH

Guro sa Cagayan, arestado dahil sa ilegal na droga

ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2021 03:03 AM

Inaresto ng mga awtoridad ang isang babaeng guro sa Gonzaga, Cagayan matapos na makumpiskahan ng mga ilegal na droga sa search operation noong Huwebes ng umaga.

Ayon kay Police Capt. Jhun Jhun Balisi, hepe ng Gonzaga Police, nasa 26 na sachet ng hinihinalang shabu at mga drug paraphernalia ang nadiskubre nang kanilang halughugin ang bahay ng guro.

Sa nakasalansan naman na mga laundry basket, nakita ang isa pang sachet na naglalaman din ng umano’y shabu na tumitimbang naman ng humigit-kumulang 10 gramo.

Tinatayang nagkakahalaga ng P68,000 ang lahat ng mga nakumpiskang shabu sa guro na kabilang umano sa Regional High Value Target List ng drug personalities. 

“May intelligence report na yung item niya galing sa Santa Ana, Santa Teresita, Aparri pati sa Santiago City,” ani Balisi.

Nahuli na rin ang guro dahil din sa kaparehong asunto noong 2019. Pero nakalaya siya matapos na makapagpiyansa. 

“Ongoing yung hearing ng kaso niya,” ani Balisi.

Nakakumpiska pa ng 13 bala ng iba’t ibang kalibre ng baril sa bahay. Pero giit ng suspek ay ginagamit lang umano nila ang mga bala bilang agimat. 

Inihahanda na ang reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act at Illegal Possession of Ammunitions laban sa guro. 

Dawit din dito ang kaniyang kapatid na kasama sa target ng operasyon, kaya lang ay nakatakas.

- ulat ni Harris Julio

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.