Unang kaso ng African swine fever sa Bicol region, naitala sa Camarines Sur

Mylce Mella, ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2020 10:54 PM

Nagpositibo sa African swine fever virus ang mga namatay na baboy sa bayan ng Bombon sa Camarines Sur.

Kinumpirma ito ng Department of Agriculture-Bicol sa ipinalabas na opisyal na pahayag Huwebes ng gabi.

Ito ang unang kumpirmadong kaso ng ASF sa Bicol region.

Kinolekta ng DA Regional Quick Response Team for Animal Disease and Emergencies ang mga nagpositibong sample kasunod ng natanggap na ulat tungkol sa pagkamatay ng hindi pa mabilang na baboy sa tatlong barangay sa nasabing bayan noong ika-10 ng Pebrero.

Agad namang nagsagawa ang grupo, katuwang ang pamalaang panlalawigan at lokal na pamahalaan ng Bombon, ng biosecurity measures kontra ASF.

Sinisiguro ng DA RQRT at ng lokal na pamahalaan na gagawin nila ang lahat para mapigilan ang pagkalat ng sakit.

Kahit wala pang anunsiyo ang DA, sinimulan na ang pagharang at paglalagay ng disinfectant spray sa mga gulong ng mga sasakyang palabas ng Bombon, lalo na ang mga papuntang Naga City.

Ayon sa tagapagsalita ng lokal na pamahalaan ng Bombon na si Vicente del Castillo, kasama sa kanilang security measures ang pag-spray sa mga gulong ng sasakyan para maiwasan ang pagkalat ng sakit.

Ipinagbawal na rin muna ang pagpasok ng mga karne, buhay man o kinatay, mula sa Bombon at tatlo pang karatig-bayan ng Calabanga, Canaman at Magarao.

"Nagdecide naman su DA, itong sa meat inspection na whether infected or not infected basta nasa ground zero, gabos yan, ubos yan. Kukuruanun yan, dadarahun sa sarong lugar...tapos yan itatalbong," dagdag pa ni Del Castillo.

(Nagdecide na rin ang DA, yung sa meat inspection na whether infected or not infected, basta nasa ground zero, lahat yan, ubos yan. Kukunin sila at dadalhin sa isang lugar...tapos ililibing na sila.)

Kasabay nito, mahigpit ang pagbabantay na isinasagawa sa mga checkpoint.

Nitong Huwebes ng umaga, isang van na may lamang 200 kilong longganisa ang hinarang sa checkpoint. Walang permit ang nasabing kargamento.

Samantala, sa ipinalabas na memorandum ng provincial government, idineklara ang red alert sa buong Camarines Sur alas-6 ng gabi ngayong Huwebes.

Inabisuhan na rin ang bawat bayan sa lalawigan na kumilos at magsagawa ng safety measures sa kani-kaniyang lugar.