Task group binuo para imbestigahan ang pagpatay sa BuCor official

ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2020 04:00 PM | Updated as of Feb 20 2020 07:00 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Bumuo ang Muntinlupa police at Bureau of Corrections (BuCor) ng isang grupo para imbestigahan ang pagpaslang sa suspendidong pinuno ng legal division ng kagawaran na dawit umano sa mga katiwalian sa pagbibigay ng good conduct time allowance (GCTA) sa mga preso.

Pero ayon sa mga opisyal ng pulisya at BuCor, hindi pa nila natutukoy ang motibo sa pagpatay sa abogadong si Fredric Anthony Santos, na pinagbabaril noong hapon ng Miyerkoles ng mga hindi pa nakikilalang salarin habang papunta sa eskuwelahan ng kaniyang anak sa Barangay Poblacion, Muntinlupa, para sunduin ito. 

“We cannot say kung ano pa ‘yong motive... We will conduct investigation on the background. No contact with the family yet,” sabi ni Muntinlupa police chief Col. Hermogenes Cabe.

Pero sinabi rin ngayong Huwebes ni Justice Secretary Menardo Guevarra na malamang ay may kinalaman ang pagpatay kay Santos sa kaniyang pagtestigo noon sa Senado tungkol sa pagbebenta ng GCTA.

Inatasan na rin ni Guevarra ang National Bureau of Investigation na imbestigahan ang pagpatay kay Santos.

Ayon naman kay Cabe, wala pa silang natutukoy na person of interest sa krimen dahil depektibo umano ang kuha ng mga surveillance camera sa insidente.

Walang paramdam sa BuCor si Santos mula nang mapatawan ng suspensiyon ng Ombudsman noong Setyembre kaugnay ng maanomalyang pagpapalaya sa ilang preso ng New Bilibid Prison, ayon sa tagapagsalita ng bureau na si Gabby Chaclag.

Hindi rin umano ito nagpakita sa BuCor mula nang maupo bilang bagong pinuno ng ahensiya si Gerard Bantag.

“Hindi siya nagpunta sa office dito physically. We have not seen any of the suspended personnel dito since sa new administration,” ani Chaclag.

Nagsimula bilang prison guard noong 1997 si Santos, ayon sa mga rekord ng BuCor. Matapos pumasa sa Bar exam, na-promote siyang Attorney V noong Marso 2018 at kalaunan ay naging pinuno ng legal division ng bureau.

Nabalot ng kontrobersiya noong nakaraang taon ang GCTA nang muntik nang makalaya dahil sa good conduct ang convicted rapist at murderer na si Antonio Sanchez, ang dating alkalde ng Calauan, Laguna.

Sa kasagsagan ng pagdinig ng Senado sa GCTA, isiniwalat ni Santos ang “code of silence” sa BuCor, kung saan pinalulusot ng mga guwardiya ang cellphone, alak, at babae kapalit ng P500 hanggang P100,000.

Sinabi rin ni Santos na nababayaran ang pag-extend ng visiting hours sa mga preso doon.

Nauna na ring sinabi ni Sen. Richard Gordon na pinatay si Santos para tuluyang patahimikin. -- May ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.