Phoenix Petroleum nag-sorry sa trapikong idinulot ng kanilang P20/liter promo

ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2020 12:57 PM | Updated as of Feb 20 2020 01:11 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Humingi ng paumanhin ang kompanyang Phoenix Petroleum sa mga motoristang naapektuhan ng trapikong idinulot ng kanilang promo sa isang branch. 

Nitong Huwebes kasi ay nagpatupad ang nasa 10 branch ng Phoenix Petroleum ng promo kung saan P20 kada litro na lang ang presyo ng mga produktong petrolyo. 

Dahil sa dami ng gustong makatipid, bumigat ang daloy ng trapiko sa kanto ng Congressional Avenue at Mindanao Avenue dahil umano sa mga motoristang nagpapakarga sa branch ng gasolinahan sa Barangay Bahay Toro sa Quezon City. 

Humingi ng paumanhin si Raymond Zorilla, VP for External Affairs ng Phoenix, at sinabing hindi nila inasahan na marami ang tatangkilik sa promo. 

Maaga naman daw silang nag-abiso sa lokal na pamahalaan at pulisya.

Nagtagal mula alas-10 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali ang nasabing promo.

Ayon kay Zorilla, umalalay sa kalsada ang mga traffic enforcer at pulis upang magmando ng daloy ng trapiko.

Plano ng kompanya na paigtingin pa ang koordinasyon sa mga opisyal para mas mapaghandaan ang mga susunod nilang promo. 

Nagpasalamat din ang kompanya sa kanilang mga loyal customers na patuloy na tumatangkilik ng kanilang produkto.

—Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.