'Most wanted' ng Plaridel dahil sa iba-ibang krimen timbog

ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2020 06:10 PM

MAYNILA — Timbog sa Guiguinto, Bulacan ang itinuturing na "top 1 most wanted" ng bayan ng Plaridel dahil sa mga reklamo ng carjacking, robbery, at iba pang krimen.

Kinilala ang suspek na si Avhel dela Cruz, na inaresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Bulacan sa labas ng isang supermarket. 

Agad pinosasan si Dela Cruz, at may nakuha pang baril na nakatago sa underwear nito.

Si Dela Cruz ay wanted sa mga kasong carjacking, pag-aakyat-bahay, at panghoholdap, ayon sa pulisya. 

"Modus po niya mag-carjack ng motor. Tututukan niya ang biktima, aagawin ang motor at hoholdapin. Armed and dangerous po siya. Mukhang may pinaplano na naman na hindi maganda kaya may bitbit na baril," ani Police Mst. Sgt. Jayson dela Cruz ng CIDG-Bulacan. 

Humingi naman ng paumanhin ang suspek sa kaniyang mga nabiktima. 

"Kung may nabiktima man po ako pasenya na po," aniya.

Nanawagan naman ang CIDG-Bulacan sa mga nabiktima pa ni Dela Cruz na magtungo na rin sa kanilang tanggapan at magsampa ng kaso. 

Nakatakdang iharap sa korte ang naarestong suspek para sa mga nakabinbin nitong kaso. —Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.