Ilang tindahan na nagbebenta ng overpriced face mask ipinasasara ng DTI

ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2020 05:15 PM | Updated as of Feb 20 2020 07:47 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Ilang medical supply stores sa Maynila ang gustong ipasara ng Department of Trade and Industry (DTI) dahil sa pagbebenta ng face mask nang mas mahal sa suggested retail price (SRP), ayon sa opisyal ng kagawaran.

Inirekomenda na ng DTI sa pamahalaang lokal na suspendihin o tanggalan ng lisensiya ang mga tindahan na nagbebenta ng mahal na face mask, sabi ngayong Huwebes ni Ruth Castelo, undersecretary for consumer protection.

“Ulit sila nang ulit, parang hindi sila natatakot. Kailangan suspendehin na or i-revoke na ng LGU (local government unit) ang business permit. We have recommendations already,” ani Castelo, na nag-ikot sa Bambang area para inspeksiyunin kung pasok sa SRP ang mga tindang face mask.

Natuklasan sa pag-iikot na ang ilang tindahan ay nagbebenta ng surgical mask sa presyong P25 gayong P12 ang SRP nito. May mga nagtitinda rin ng N-95 mask sa halagang P130 hanggang P150, lagpas sa itinalagang SRP na P105.

Nauna nang inamin ni Trade Secretary Ramon Lopez na nagkaroon ng kakulangan sa supply ng face mask bunsod ng Taal Volcano eruption noong Enero at outbreak ng novel coronavirus.

Ayon kay Castelo, nakapag-deliver na ang local manufacturer ng face masks na Medtecs sa ilang botika. Nasa 400,000 surgical masks ang ipinangakong isu-supply ng Medtecs kada linggo.

Ipinayo ni Castelo sa mga nais bumili ng face mask na sa mga malalaking botika magtungo para matiyak na maganda ang kalidad ng produkto at pasok sa SRP ang presyo.

“Para sigurado sila sa kalidad ng binibili nila at presyo ng produktong binibili nila, doon sila pumunta sa major retailers,” aniya.

Samantala, wala na ring mabiling no-contact thermometer matapos pakyawin ng mga restoran, hotel at iba pang malalaking establisimyento.

Marami pa raw medical equipment ang maaaring magkaubusan ng supply habang hindi humuhupa ang mga pangamba sa pagkalat ng coronavirus disease o COVID-19. -- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News​

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.