Iniharap ng Philippine Drug Enforcement Agency sa mga reporter ang 2 lalaking nagbebenta umano ng liquid shabu sa social media. ABS-CBN News
MANILA - Inaresto ng mga awtoridad ang 2 lalaking nagbebenta ng shabu gamit ang internet sa Mandaluyong, Huwebes ng madaling araw.
Nakabili umano ang mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng injectable liquid shabu mula sa mga suspek, edad 23 at 28.
Nakuha sa kanila ang 26 na syringe na may lamang nasa P52,000 halaga ng liquid shabu at isa pang pakete ng naturang droga na nagkakahalaga ng P13,600.
Ito ang unang beses na nakadakip ang mga awtoridad ng mga drug pusher na hayagang nagbebenta ng injectable liquid shabu sa Twitter, ayon kay PDEA Special Enforcement Service Director Levi Ortiz.
"Ang modus... Kailangan friends ng pusher. Yung poseur buyer naka-penetrate sa account niya, naging magkaibigan sila," sabi ng opisyal.
Nagpapataas aniya ng libido ang pag-inject ng liquid shabu, kumpara sa mas pangkaraniwang paggamit nito sa pamamagitan ng pagsinghot.
"Mas mataas ang tama. Iba ang dating eh... Ang trip nila, sex talaga," ani Ortiz.
Inamin naman ng mga suspek ang pagkakasangkot sa ilegal na droga.
Hinikayat ng PDEA ang mga magulang na bantayan ang paggamit ng social media ng kanilang mga anak.
"Ang ganitong risky behavior, in seconds may tama ka na, maaaring mangyari sa inyo ang 'di kanais-nais and it might lead to spread of infectious diseases," ani PDEA spokesperson Derrick Carreon.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Tagalog news, crime, war on drugs, shabu, internet, social media, metro, Mandaluyong