Cayetano kinuwestiyon ang pagtalakay ng Senado sa ABS-CBN franchise

ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2020 07:25 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Binuweltahan ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang Senado dahil uunahan nito ang Kamara na dinggin ang mga isyu ukol sa ABS-CBN franchise, na nakatakdang mapaso sa katapusan ng Marso. 

Lunes itinakda ang pagdinig ng Senate Committee on Public Services tungkol sa prangkisa ng ABS-CBN, pero para kay Cayetano, katakataka umano ito.

"Nagtataka lang ako kay Sen. Grace Poe (committee chair) at sa mga senador... Ano ba sabi sa Constitution? Saan ba mag-uumpisa ang prangkisa? Sa House o sa Senate?" ani Cayetano. 

Iniskedyul ni Poe ang hearing upang matalakay na ang isyu sa franchise ng ABS-CBN. Higit 11 panukala para sa renewal ng ABS-CBN franchise ang nakatengga ngayon sa Kamara.

Pero sabi ni Cayetano, dapat igalang ng Senado ang poder ng Kamara.

"Dapat may inter-chamber courtesy," puna ng Speaker.

PAKINGGAN SI SEN. BONG GO

Samantala, patuloy ang panawagan ng ilang mambabatas na talakayin na ang bills ukol sa prangkisa ng ABS-CBN, na nauna nang inihirit ni Sen. Bong Go.

"Senator Go serves as the eyes and ears of President Duterte... Senator Go is correct," ani Ako Bicol Party-list Rep. Alfredo Garbin. 

"The statement of [Sen. Go] for the members of the House of Representatives to consider soonest the issue of the renewal of ABS-CBN’s franchise and vote according to their conscience appears to have the blessing of President Rodrigo Duterte since Go is very close confidante of the President," ani Albay Rep. Edcel Lagman. 

Kung si Presidential Spokesman Salvador Panelo naman ang tatanungin, gawin na ng Kamara ang kanilang tungkulin. 

"As far as he (Duterte) is concerned, that issue is in the hands of Congress and he has nothing to do with it. Do their work," ani Panelo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.