Barangay chairman na sangkot umano sa ilegal na bentahan ng armas patay sa buy-bust

Charmane Awitan, ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2020 05:30 PM

SURIGAO CITY — Patay ang chairman ng Barangay Balibayon dito matapos umano manlaban sa mga pulis sa gitna ng kanilang transaksiyon sa pagbili ng armas nitong Huwebes.

Ayon sa pulisya, nangyari ang bentahan ng armas pasado ala-1 ng hapon kung saan napatay ang barangay chairman na si Reneboy Aquino.

Nasa 1 buwan umano tumagal ang surveillance ng pulisya sa grupo na nagbebenta ng mga ilegal na armas. 

Sa mismong araw ng transaksyon, nabulaga ang pulisya na ang chairman ang nag-abot ng armas. 

Nakatunog umano si Aquino na pulis ang mga bumili kaya nagpaputok ito ng baril pero pumalya. Doon na nakatiyempo ang mga pulis at binaril ang suspek.

Patay si Aquino habang narekober naman sa kaniya ang binebentang armas, granada, at pera.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.