500 Pinoy mula sa Japan cruise ship ika-quarantine pagkauwi: DOH

ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2020 06:21 PM | Updated as of Feb 20 2020 07:13 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Balak ng Department of Health (DOH) na isailalim sa quarantine sa New Clark City, Tarlac ang nasa 500 Pilipino mula sa isang barkong nakadaong sa Yokohama, Japan.

Nasa 500 Pilipino sa cruise ship na MV Diamond Princess, na naka-quarantine sa Japan, ang nakatakdang umuwi sa bansa sa Linggo, Pebrero 23, ayon kay Health Secretary Francisco Duque III.

Pero ayon kay Duque, maaari pang mabago ang bilang ng 500 dahil dadaan muna sa screening ang mga Pinoy bago tuluyang makasakay ng mga eroplanong susundo sa kanila.

Kung magpakita ng sintomas, hindi sila pasasakayin.

Hindi naman isasama sa mga iuuwi sa bansa ang 41 Pilipino na tinamaan na COVID-19, na pawang mga crew ng barko.

Kapag nakababa na ang mga susundong eroplano sa Clark International Airport, muling dadaan ang mga Pinoy sa screening ng mga tauhan ng Bureau of Quarantine.

Matatandaang ganoon ang prosesong pinagdaanan ng mga Pinoy na umuwi galing Hubei, ang lalawigan sa China na nakasasakop sa lungsod ng Wuhan, na pinagmulan ng bagong uri ng coronavirus.

Kapag walang nakitang sintomas sa mga Pinoy galing Japan, deretso sila sa bus na maghahatid sa kanila sa quarantine facility sa New Clark City.

“They will now be accommodated in the New Clark City Athlete’s Village,” ani Duque.

Dalawang eroplano umano ang gagamitin sa pagpapauwi sa mga Pinoy na nasa Japan.

Madadagdagan din ang bilang ng mga ospital na magbibigay ng kanilang tauhan at serbisyo para sa mga naka-quarantine, ani Duque.

Dalawang pasahero ng Diamond Princess ship ang namatay ngayong Huwebes.

Sa isang pahayag, sinabi ni Foreign Affairs Assistant Secretary Eduardo Menez na ang 2 namatay bunsod ng COVID-19 ay mga senior citizen pero hindi Pinoy ang mga ito.

Kinumpirma rin ng Department of Foreign Affairs na isang Pinay sa Hong Kong ang nagpositbio sa COVID-19.

Bagaman walang sintomas ng trangkaso, inoobserbahan umano sa ospital ang Pinay.

Idi-discharge siya kapag nakitang negatibo na ang virus at ibibigay rin ng konsulado ang lahat ng tulong na kakailanganin niya. -- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.