2 spa na nagbibigay ng ‘extra service’ sa Cavite, ni-raid

ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2020 05:02 AM | Updated as of Feb 20 2020 05:29 AM

Dalawang spa ang ni-raid ng mga pulis matapos mapag-alamang nagbibigay sila umano ng extra service sa kanilang mga kliyente Huwebes ng madaling araw sa Bacoor, Cavite.

Ayon kay Police Lt. Col. Vicente Cabatingan, hepe ng Bacoor City Police, una nilang pinasok ang spa na kapareho pa ng isang relihiyosong sekta sa Tirona Highway, Barangay Mabolo III nang magpositibong may transaksyon para makipagtalik ang asset at masahista. 

Nauna nang na-record sa surveillance nitong Martes ang all-the-way extra service na nagkakahalaga ng P3,500 hanggang P4,500 na inaalok umano ng mga babae pati na rin mga lalaking masahista. 

Tinanggi ng 3 babaeng naabutan sa naturang spa na may extra service lalo't ilang linggo pa lang umano silang nagtatrabaho. 

Arestado naman ang isang babae na sinasabing kahera lamang. 

Wala ang may-ari ng spa na taga-Maynila umano. 

Dalawang babae naman ang sinagip sa spa na ni-raid sa Barangay Bayanan na pinaliliguan naman umano ang mga customer bago ang masahe at may extra service umano sa halagang P1,500. 

Arestado ang lalaking kahero na itinangging may nangyayaring kahina-hinala sa lugar. 

Ayon naman kay Police Col. Marlon Santos, provincial director ng Cavite, ipasasara ang mga establisimyento lalo na’t isa sa mga ito’y walang permit. 

Nahaharap sa kasong human trafficking ang mga kahero.-Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.