2 bata patay sa pagsabog ng granada sa Dipolog

ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2020 11:18 AM | Updated as of Feb 20 2020 11:13 PM

ZAMBOANGA DEL NORTE (UPDATED) – Patay ang 2 bata matapos masabugan ng rifle grenade sa Dipolog City, Zamboanga del Norte nitong Huwebes.

Kinilala ang mga biktima na sina Abdul Malik Pasculado, 8 anyos at Omar Khatab Pasculado, 5 anyos.

Ayon sa ama ng mga biktima na si Nonamar Pasculado, nakahiga ang kanyang dalawang anak sa kwarto nang kanyang iwanan para kumuha ng susi sa hinihiram niyang motorsiklo nang marinig niya ang malakas na pagsabog.

“Abri gyod na tanan ning nia nilakaw ko maghulam ko’g yabe pagkuan nako matay nibuto man ingko unsa man ron? Pastilan pangita nako si Omar pangita nako ang manghod lagi matay akong gikugos bali-bali na iyaang tiil bali-bali ingon ko patay gyod si Omar gyod isa ka anak nako patay gihapon,” ani Nonamar. 

(Nakabukas ito lahat nang umalis ako para humiram ng susi bigla na lang may sumabog, sabi ko ano ‘yon? Hinanap ko si Omar, ‘yong bunso, kinarga ko bali-bali na ‘yong paa patay talaga si Omar ‘yong isa kong anak patay rin.)

Mga anak lang ni Nonamar ang naiwan sa bahay dahil nauna nang umalis ang kanyang asawa para magtinda ng ukay-ukay.

Ayon sa Explosive and Ordnance Division (EOD) ng Philippine National Police, isang rifle grenade ang sumabog nang paglaruan ito ng mga biktima.

“’Yong narecover namin sa loob, ah sa labas ng kuwan ‘yong canister ng rifle grenade ‘yong casing niya nakita natin ‘yong indication na parang bumuka siyang ganon ibig sabihin pinaglaruan ng bata,” ani Police Staff Sgt. Anthony Memoracion, team leader ng EOD Zamboanga del Norte.

Ginalugad na rin ng mga awtoridad ang paligid ng bahay para masigurong wala nang pampasabog.

Giit ni Nonamar, wala siyang alam sa rifle grenade na nasa loob ng kanilang kwarto.

Nakakustodiya ngayon ang ama ng mga biktima sa Dipolog City Police habang patuloy ang imbestigasyon ng insidente.

Hinala ng mga awtoridad, may alam ang ama ng mga biktima sa sumabog na rifle grenade.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.