'Wagas na pag-ibig': Lolo hinangaan sa pagmamahal sa yumaong asawa

Jaehwa Bernardo, ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2019 07:30 PM

Naantig ang puso ng netizens sa kuwento ng 'wagas na pagmamahal' ni Eligio Libunao sa kaniyang yumaong misis na si Carmen. Retrato ni Myrna Dumaguit

Naantig ang puso ng mga netizen sa kuwento ng "wagas na pagmamahal" ng isang lolo sa kaniyang yumaong asawa.

Sa video na ipinost ni Misis Ely sa Facebook, mapapanood si Eligio Libunao, 90, na inaawit ang kantang "Dahil Sa Iyo" ni Pilita Corrales sa burol ng kaniyang misis na si Carmen, bitbit ang isang pumpon ng mga bulaklak.

 

Pumanaw si Carmen noong Pebrero 8 sa edad na 89 dahil sa komplikasyon dulot ng Alzheimer's disease.

Sa isa namang retrato, makikita rin si Eligio na tumatanaw sa kabaong ni Carmen habang may dalang mga pulang lobo na may mga katagang "Happy Valentine's Day."

Mula nang mai-post noong Pebrero 17, umani na ng higit 20,000 views sa Facebook ang naturang video ni Misis Ely, na kaanak ng mga Libunao, na mula sa bayan ng Santa Rosa, Nueva Ecija.

PINAGKASUNDO

Kuwento ni Myrna Dumaguit, apo nina Eligio at Carmen, hindi raw nabuo ang pagmamahalan ng dalawa sa "unang pagkikita" o sa "ligawan" kundi sa "pagkakasundo."

Nasa edad 17 at 16 noon sina Eligio at Carmen nang sila ay ikasal, kuwento ni Dumaguit sa ABS-CBN News.

"Hindi man nagmamahalan ng una pero naglaon ay nabuo ang isang wagas na pagmamahal ng dalawa," sabi naman ni Dumaguit sa isang Facebook post.

Nagbunga ng walong anak ang pagmamahalan ng dalawa, ani Dumaguit.

Ayon pa kay Dumaguit, mula nang ma-diagnose ng Alzheimer's disease si Carmen noong 2007, hindi na raw ito iniwan ni Eligio.

"Mula noon hindi na umalis ang tatang sa tabi n'ya," ani Dumaguit.

"Umalis man dahil may nilakad, agad din babalik kay nanay... kakausapin ang mahal na kabiyak kahit hindi na s'ya nauunawaan.. matutulog nang magkakapit ang kamay," dagdag ni Dumaguit.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.