Truck nawalan ng preno sa Bacolod City; 1 patay

Marty Go, ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2019 03:50 PM

Kinailangan pang tanggalin ang kargang semento at plywood ng truck para maalis sa pagkakaipit sa ilalim ang biktima. Marty Go, ABS-CBN News

BACOLOD CITY – Patay ang driver ng isang motorsiklo matapos mabangga at maipit pa sa ilalim ng 10-wheeler truck na nawalan ng preno sa San Juan Street, dito sa lungsod Miyerkoles ng umaga.

Nahirapan ang rescuers sa pagkuha sa bangkay si Jayson Juson sa ilalim ng truck dahil nadaganan ito ng chassis. 

Kinailangan pang buhatin ang mga kargang semento at plywood ng truck para makuha sa ilalim ang biktima.

Ayon sa driver ng truck na si Ronaldo Esquilla, nawalan ng preno ang sasakyan kaya pilit niyang iniwasan ang mga sasakyang sinusundan niya. 

Ito ang dahilan umano kung bakit niya idineretso ang truck sa gilid ng daan at nabangga ang harapan ng isang construction supply store pati na si Juson na nakasakay sa kaniyang motorsiklo. 

Isa sa mga customer ng tindahan din ang nasaktan sa aksidente.

Nasa kustodiya na ng pulisya si Esquilla.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.