Senior high student timbog sa buy-bust; P5.7 milyong halaga ng 'shabu' nasabat

Jude Torres, ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2019 07:15 PM

CEBU CITY - Nakumpiska ng mga miyembro ng regional police Drug Enforcement Group ang nasa P5.7 milyong halaga ng hinihinalang shabu mula sa isang 19 anyos na senior high school student Miyerkoles ng hapon.

Nakumpiska ang mga malalaking sachet ng ilegal na droga sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Sawang Calero, Cebu City.

Ayon kay Supt. Glen Mayam, lumabas ang pangalan ng estudyante sa mga salaysay ng mga drug suspect na naunang naaresto ng pulisya

Dagdag pa ni Mayam, isang big time drug pusher ang estudyante at umaabot umano sa ibang lalawigan sa Central Visayas ang kaniyang distribusyon ng ilegal na droga.

Kinumpirma rin ng pulisya na miyembro ng isang malaking sindikato ng ilegal na droga ang estudyante pero hindi muna pinangalanan ng pulisya ang nasabing grupo.

Aalamin rin ng pulisya kung saan galing ang ilegal na drogang nakuha sa isinagawang operasyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.