SAPUL SA CCTV: Pampasaherong jeep sumalpok sa cargo truck sa Zamboanga City

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2019 08:02 PM

ZAMBOANGA CITY - Sapul sa CCTV ang pagsalpok ng isang pampasaherong jeep sa likod ng isang cargo truck sa highway sakop ng Barangay Manicahan, Zamboanga City Miyerkoles ng tanghali.

Sa kuha ng CCTV, makikitang pumreno ang truck malapit sa inaayos na tulay dahil sa kasalubong na oil tanker.

Maya-maya pa, isang pampasaherong jeep ang biglang nag-overtake sa isa pang truck mula sa likuran hanggang sa mabangga nito ang likod ng cargo truck.

Watch more in iWantTFC

Agad na bumaba ang mga sakay ng pampasaherong jeep na pawang mga babae at bata.

Wala namang nasugatan sa mga pasahero pero naipit sa nayuping jeep ang drayber na si Sahibil Asarani.

Sa tulong ng mga construction worker sa inaayos na tulay, naalis sa pagkakaipit ang paa ni Asarani.

Rumesponde rin ang mga opisyal ng barangay.

Ayon kay PO3 Jennifer Tandoc, nawalan umano ng preno ang jeep ni Asarani kaya pinilit nitong iwasan ang truck na nasa harapan.

Pero hindi na nito nagawang iwasan ang isa pang cargo truck kaya sumalpok ito.

Ayon sa pulisya, papunta sana sa Bolong Beach ang pampasaherong jeep, kung saan magkakamag-anak ang mga sakay nito.

Dahil itinuturing na accident-prone area ang nasabing daan, may nga nakatalagang barangay tanod sa lugar para sa traffic management.

Naglagay na din ang barangay ng mga kaukulang traffic signages bilang gabay sa mga motorista.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.