Public display of affection balak ipagbawal sa Children's Park sa Baguio

Micaella Ilao, ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2019 07:55 PM | Updated as of Feb 20 2019 07:56 PM

BAGUIO CITY — Tinutulak ngayon sa lungsod na ito ang pagbabawal sa public display of affection (PDA) sa Children's Park sa Burnham Park.

Isang ordinansa ang inihain ni City Councilor Joel Alangsab para ipagbawal ang PDA ng dalawang tao sa Children's Park dahil hindi raw magandang nakikita ng mga bata ang mga ganoong kilos.

"Kahit 'yong staff ko, nakikita na 'di maganda 'yong mga ginagawa ng mag-couples," ani Alangsab.

Pero ayon kay Alangsab, mga kilos na maituturing na iskandaloso lamang ang ipagbabawal, at puwede pa rin naman ang holding hands o paghawak sa kamay ng isa't isa at "kissing in a short manner."

"Bawal ang petting and lying down together in a scandalous manner," ani Alangsab. 

"Ang bawal lang yung anything malicious and scandalous bawal," dagdag niya.

Kapag naipasa, maaaring pagmultahin ang mga mahuhuling lumalabag ng hanggang P2,000.

Naipasa na sa unang pagbasa ang panukala.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.