Pagsasara ng Tandang Sora flyover inireklamo ng ilang residente

ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2019 04:46 PM | Updated as of Feb 21 2019 12:02 AM

Watch more in iWantTFC

Umaalma ang mga residenteng nakatira malapit sa isasarang Tandang Sora flyover sa Quezon City dahil hindi umano sila nasangguni sa nakaambang closure nito. 

Sa kasalukuyang ginagawang Quezon City Council public hearing ukol sa naturang closure, inilabas ng mga residente ang kanilang sama ng loob dahil tila naisawalang-bahala umano ang kanilang opinyon. 

Giit ng ilang miyembro ng homeowners association, hindi sila nakonsulta sa pagsasara at hindi nasabihan kung bakit gigibain ang flyover. 

Watch more in iWantTFC

Nauna nang sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na titibagin ang flyover para magbigay-daan sa pagtatayo ng linya ng MRT-7.

Ayon sa ilang residenteng dumalo sa pulong, nagtuturuan daw ang contractor ng MRT-7 at MMDA kung sino ang maglalatag ng traffic management sa pagsasara ng flyover.

Kabilang sa mga pinag-uusapan ang ipapaskil na signage, loading and unloading zones, at mga altrernatinong ruta.

Sabi ng mga apektadong residente, dapat ay iurong ang petsa ng pagsasara hangga't hindi malinaw ang plano.

Pumalag naman si MMDA General Manager Jojo Garcia at sinabing mas maraming mapeperwisyo kung maaantala pa ang pagsasara ng Tandang Sora flyover. 


—Ulat nina Doris Bigornia at Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.