'Pagbatikos sa gobyerno di sapat para mabawian ng scholarship'

ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2019 06:55 PM | Updated as of Feb 20 2019 11:00 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tutol ang Malacañang sa rekomendasyon ng pinuno ng National Youth Commission (NYC) na bawian ng scholarship ang mga estudyanteng bumabatikos at sumasali sa mga protesta laban sa pamahalaan.

Kasunod ito ng panawagan ni NYC Chairman Ronald Cardema kay Pangulong Rodrigo Duterte na ipag-utos na tanggalan ng scholarship ang government scholars na bumabatikos sa gobyerno at sumasali sa mga umano ay makakaliwang grupo.

Pero ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, ang pagsali sa mga tinaguriang left-leaning organization o pagsali sa mga rally ay hindi sapat na dahilan para mabawian ng government scholarship.

"We are a government of laws, not of speculations. Kailangan mayroon tayong ebidensiya na parte nga sila ng grupo na laban sa gobyerno," sabi ngayong Miyerkoles ni Panelo sa press briefing.

Paglabag din daw ang pagbawi sa mga scholarship sa malayang pagpapahayag.

"Kung sila ay sumasama lang sa mga rally, that’s a right. That’s freedom of expression. That’s freedom of assembly," ani Panelo. 

Ayon pa kay Panelo, kailangan na may matibay na ebidensiya na ang estudyante ay kabilang sa mga grupong may banta sa pamahalaan o seguridad ng taumbayan bago tanggalan ng scholarship.

Katuwiran ni Cardema sa mungkahi: kapag nilabanan ang gobyerno, parang nilabanan na rin ang sambayanang Pilipino.

Pero nilinaw kalaunan ni Cardema na ang pinatutungkulan niyang tanggalan ng scholarship ay ang mga estudyanteng sumanib na sa mga rebeldeng grupo gaya ng New People's Army.

Nauunawan daw ni Cardema ang karapatan ng bawat isa na magpahayag ng saloobin at wala siyang nakikitang mali kung mag-rally laban sa pangulo ang mga estudyante o kahit pa hilingin ng mga ito ang pagbitiw ng pangulo.

Gaya ni Panelo, sinabi rin ni Justice Secretary Menardo Guevarra na paglabag sa malayang pagpapahayag ang panukala ni Cardema.

"With all due respect, such a proposal, if adopted, would effectively restrain the youth's constitutional right to freedom of speech and expression," ani Guevarra.

Ayon pa kay Guevarra, dapat ipagmalaki ng state universities at colleges ang pagsali ng kanilang mga estudyante sa mga protesta dahil tanda raw ito ng pagiging "socially aware" o mulat sa mga isyung panlipunan.

Kinondena rin ng grupo ng mga kabataan at estudyante, maging ng ilang senador ang pahayag ni Cardema.

Nanawagan ang National Union of Students of the Philippines na magbitiw sa puwesto si Cardema dahil sa umano ay pag-atake niya sa karapatan ng mga estudyante.

Dating pinamunuan ni Cardema ang Duterte Youth, isang grupong nangompronta sa musician na si Jim Paredes, isang kilalang kritiko ni Pangulong Duterte.

-- May ulat nina Apples Jalandoni, Dharel Placido, at Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.